Oo, binagyo kami sa Sorsogon. At Caloy, humanda ka. Kapag maging tao ka sa next life mo, ipagdasal mong hindi ako bagyo.
Sa loob ng tatlong araw, nakulong kami ng Team Bugsy (ang misteryosong pangalan ng aking high school barkada) sa bahay ni Migs (ang totoong pangalan ng boypren ni Tidoy, BS Management, ADMU). Walang tubig. Walang kuryente. Walang Pinoy Big Brother. Walang Matt Evans.
Pero may baraha. At may mga taong bored na bored na. At gustong pumatay ng bagyo.
Kaya bigla akong natutong mag-poker (at mag-poker face at mag-bluff) at mag-Psycho game at mag-pusoy dos. Kung may nadulot mang mabuti si Caloy, iyan ay ang pagturo sa aking mag-sugal.
On second thought, wala palang nadulot na mabuti si Caloy.
* * *
Pinatulan na rin namin ang Pinoy Henyo (yung pauso ng Eat Bulaga kung saan huhulaan ng player ang isang salita sa pamamagitan ng mga tanong na nasasagot lang ng "oo" o "hindi").
Ang pinapahula: HONDA CIVIC. Ang huhula: si Dana (BS Occupational Therapy, UP Manila).
Dana: "Sikat ba 'to sa Manila?" (Very creative question, Dana.)
Grupo: (may sandaling pag-iisip) "Oo!"
Dana: Kurtina?
Ay Dana, oo. Sa bandang Laguna o Batangas, hindi pa uso ang kurtina.
Dana: "Mahirap ba to[ng hulaan]?"
Grupo: Hindi.
Dana: So nalilito lang talaga ako?
And the winner for the most creative questions award is Dana.
* * *
Sabi na, walang bahay na walang kuryente at tubig, sa isang damukal na magkakaibigang magkakaibigan talaga.
* * *
Pero napag-alaman kong bagyo man, may damdamin din. At sadyang mabait talaga si God.
Sabado (May 13), bahagyang sumikat ang araw (na may kalat-kalat na pagkulog at pagkidlat), at nakapag-beach pa rin kami. Ito ang pers taym kong makatampisaw at maka-snorkeling sa white sand beach (at makapag-Ultimate Frisbee at sumayaw ng Don Romantiko sa dalampasigan).
At may iniwan siyang souvenir. Limang gasgas. At isang sugat na OA. Sa paa at binti ko.
Bwisit na corals. Patay na kayo, nakakasakit pa rin kayo. Rest in peace, will ya?
Magkasabwat kayo ni Caloy, no?
* * *
Ayon sa pagsasaliksik, ang mga butanding (na makikita sa Donsol, Sorsogon) ay hindi kumakain ng tao. Ang kinakain daw nila ay mga planktons lamang. Kung paano naging ganoon kalaki ang mga butanding nang planktons lang ang kinakain, ayoko nang itanong sa kanila. Baka magka-ideya pa sila at biglang maging carnivore.
In fairness, nang tumalon na kami sa speedboat at tinignan ang butanding na lumalangoy sa ilalim namin, hindi nga siya kumakain ng tao.
Ang saklap siguro kung sinoman ang aksidenteng makain ng butanding, no? Hindi ko alam kung ano ang mas masakit: ang makagat niya, o ang tanggapin na napagkamalan kang plankton ni butanding.
* * *
Sa totoo lang, kahit binagyo kami, wala pa rin tong kasing-saya. As expected.
* * *
"Pagdating ng panahon / baka ikaw din at ako
Bakit hindi panain ang kanyang damdamin
At nang ako ay mapansi-hn."
--Pagdating ng Panahon-Mr. Kupido Disco Remix,
Pauso ni Ish (BS Computer Science, UP Diliman)