5.24.2007

In the tradition of "The Year That Was": The Film ("Paano Kita Iibigin") That Was

Sa loob ng limang buwan, ito ang naging semi-buhay ko. Tsk, kapag isang pelikula pala ang ginawa mong semi-buhay, parang buong buhay mo na rin. E si Direk Joyce Bernal pa ang direktor, edi namatay na 'ko. Sa madaling salita, sa loob ng limang buwan, ako ay nabuhay, namatay, at nabuhay na mag-uli. Pero hindi pa naman ako Diyos. Sa dami ng pagkakamali ko bilang script continuity supervisor, o "script con" (tulad ng lulubog-lilitaw na relo ni Piolo, at ng naglalahong itlog sa plato na nagiging corned beef), alam kong taong-tao pa rin ako.

Ang daming hindi ko malilimutan bilang tao.

Tulad nung actors' workshop sa may PETA Building (November 2006) kung saan una kong nakita si Piolo Pascual bilang tao at na wala sa Don't Give Up on Us o sa Till There Was You. Nalaman kong totoo ang tsismis: Gwapo nga siya.

Tulad nung unang dalawang shooting days namin sa BMW Auto Haus-e-Telecare at bahay sa Sampaloc, Manila kung saan ang dami kong mali (e.g. nag-iibang damit ni Quintin Alianza (bilang "Liam", hikaing anak ni "Martee", o ang kumulubot na bra strap ni Ms. Regine Velasquez (bilang "Martee")). Kung saan nalaman kong ang script con din pala ang bahala sa pag-sundo at paghatid sa mga artista sa stand-by area nila, sa pagbato at pagpa-memorize ng mga linya sa artista at ang pinaka-enjoy (nung panahong yun), sa pagiging ka-eksena ni Ms. Regine o Piolo kapag off-cam ang kasagutan ng linya. (Dahil pati ako, dinidirek ni Direk Joyce: "Tonette, sa word na to, dapat taasan mo na ang pagsigaw dyan ha." Uh, yes, Direk? Oily na po ako!)

Tulad nung unang nagpunta ako sa condo ni Direk Joyce para mag-research. (Kurot sa sarili.)

Tulad nung nag-night swimming kami sa dagat ng Botolan, Zambales (location ng pelikula) habang umiinom ng San Mig Light, nakatingin sa mga malapit na bituin, at nakikinig sa mga kwento at pananaw ni Direk Joyce. (Sa puntong ito, hindi ako makapniwala na ka-trabaho ko na ang direktor ng paborito kong Don't Give Up On Us. At tumatagay pa sa harap ko.)

Tulad nung naging cause of delay ako ng sampung minuto dahil sa nawawalang props na takong ni Ms. Regine (na dinala ng aming wardrobe sa pagpunta nya sa canteen, kamusta naman). Sunud-sunod ang "Tonet, nasan na?" at "Continuity yan, Tonet" ni Direk Joyce sa mic. Pagkatapos ng eksena, nag-sorry ako kay Direk Joyce. Sabi nya: "Okay lang yan. Ganyan talaga pag nagsisimula, nagkakamali." Sabay suntok sa braso ko: "Adik ka."

Tulad nung first name basis na kami ng mga crew ng mga PA at kasama ng mga artista, at lalo nina sir Piolo at Ms. Regine. (Sabi pa ni Ms. Regine: "Tonet, dati napaka-mahiyain mo. Ngayon, kumakapal ka na rin parang si Joyce a.")

Tulad nung malaman ko ang mga terminong pampelikula: love scene (para sa "sex scene"), death scene, happy moments (para sa montage ng mga kakiligan), flatbed (kung saan ipapatong ang vehicle para makunan nang maayos sa tracking shot), konseptong run out (kapag ubos na ang 400ft sa film roll), MOS (kapag walang audio). At iba pa, na hindi ko naman natutunan sa apat na taon ko sa UP Film.

Tulad nung isang shooting day sa may Tanauan, Batangas (hangar, kung saan maglo-love scene at kung saan mag-iiyakan) kung saan inabutan ako ni Direk Joyce ng San Mig Light habang nag-shu-shoot. Sabi ko: "Direk, di po ako umiinom." Sabi nya: "Uminom ka. Mas masarap uminom habang nagtatrabaho." Edi inom naman ako. Sabi nya: "O diba, mas masarap?" Hindi naman e.

Tulad nung isang gabi sa Botolan, pagkatapos ng isang masamang shooting day. Habang nakahiga at nakatitig sa kisame, biglang nag-open up si Ayrin, ang astig na assistant director namin (na dating scriptcon ni Direk Joyce at hindi ako pinapabayaan) tungkol sa sistemang bulok ng pelikula: mga personalan, mga palakasan, mga sipsipan, mga perahan. Ito ang industriyang haharapin namin: pakalunod ka o mag-salbabida. I say, langoy-aso.

Tulad nung isang gabi sa may beach habang hinihintay naming humupa ang mga alon, nagkwento si sir Piolo tungkol sa kanila ni Judy Ann Santos. Napatulala ako. Sabay, haaaay.

Tulad nung pinasulat ako ni Direk Joyce ng isang eksena (nung ginamot ni Martee si Lance matapos sila sagipin sa almost pagkalunod). Nung binigay ko kay Direk Joyce ang script, natawa siya at kumantiyaw. Nung binigay niya sakin yung final script para sa eksena na yun, nagulat ako: ginamit nya yung script ko. (Postscript: Na-reshoot ang eksena.)

Tulad nung ma-pack up kami ng 4am sa Lipa, Batangas (para sa nakakaiyak na final scene. Naluha ako) tapos diretso sa Majayjay, Laguna (para sa almost pagkalunod scene) para sa 7am na calltime. O nung limang araw na dire-diretsong shooting sa Zambales nang walang uwian. Pero masarap.

Tulad nung last shooting day namin sa Botolan. (Sa pelikula pala, may kulturang "pa-last day" kung saan nagreregalo ang mga artista sa lahat. Sabi, si Ms. Regine daw ang pinaka-bongga magpa-last day sa lahat. Bonggang-bongga nga.) Kung saan nagka-free concert si Ms. Regine (ng isang kanta lang naman). Kung saan nagpa-raffle na pwedeng makakuha ng flat screen TV, cellphone, DVD player, turbo broiler at iba pa. Ang napanalunan ko: desk fan. Fine.

Tulad nung sinabi ni Direk Joyce nung antok na antok na kami ni Ayrin: "Ang mga alaga ko, bagsak na agad." Sarap pakinggan.

Tulad nung pinapanood sa'min ni Direk Joyce ang first edit ng pelikula. Kahit ilang beses ko na napanood mula sa dubbing, naiyak ako. (Maganda ang pelikula. Peksman.)

Tulad nung sinabi ni Direk sa dubbing supervisor: "Papuntahin mo si Tonet sa dubbing bukas a." Sabi ni dubbing supervisor, ang mga ibang scriptcon daw kasi, hindi na nagpupunta sa dubbing kasi wala nang bayad yun. Sabi ni Direk Joyce: "Ay hindi, pupunta yun si Tonet. Willing matuto yun. Mag-di-direk sila ni Ayrin." Napangiti na lang ako.

Tulad nung buong pelikula, mula umpisa hanggang dulo. Ang sarap pa rin pala gumawa ng pelikula (kahit di mo maaasahan sa pera). Sa uulitin po, Direk Joyce.

Paano Kita Iibigin, in theaters on May 30. Premiere Night on May 29, SM Megamall Cinema 10. Directed by Bb. Joyce Bernal. Nakakatawa, nakaka-iyak. Maganda. Manonood ka ba?

5.13.2007

Ang pelikulang Joyce Bernal-Piolo Pascual. Ay, andito rin si Regine Velasquez.

May 30. Hindi tulad ng pa-importanteng Spiderman 3, hindi lang ito ang palabas sa mga SM Cinemas, pero panoorin pa rin natin ito. (Unang beses kong makikita ang aking pangalan sa closing credits ng isang mainstream na pelikula sa SM Megamall Cinema 10. Sorry manong guard, magdadala talaga ako ng camera. Hanapin mo sa bag ko, tse!)

Pero hindi pa tapos ang shooting namin (na December 2006 pa nagsimula. Inabutan na kami ng Happy New Year, ng Happy Valentine's Day, ng Happy Birthday ni Piolo Pascual, ng Happy Birthday ko, ng Happy Birthday ni Ms. Regine Velasquez, ng Happy Birthday ni Direk Joyce Bernal, ng pagsilang ng anak ni Kris Aquino, ng Labor Day at pati ng paghihiwalay ni Ruffa Gutierez at Yilmaz Bektas. Parang awa n'yo na, wag na sana kami abutan ng pagbabati nila).

May apat na araw pa (Batangas-Batangas-Laguna-Zambales), kasama na ang ending na may rain effect (kung papayag ang may-ari ng resort).
Promise, ang todo-promote at kwento ko, pagka-last day namin. (Sana nga magka-last day kami.)


Paano Kita Iibigin. Directed by Bb. Joyce Bernal. Starring Piolo Pascual, Regine Velasquez, Eugene Domingo, Quintin Alianza. Also Starring Iya Villania, Hyubs Azarcon, Erich Gonzales, Gian Teri, Robin Daroza, Jett Pangan, Paw Diaz, JC Cuadrado. Produced by Star Cinema and Viva Films.